Umaasa si ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo na maaprubahan at maisasabatas ang House Bill 6272 o bagong 13th month pay act para sa mga negosyo at kompanya.
Sa ilalim ng panukala ay kinakailangan ng DOLE compliance report na nagbabayad nga ng 13th month ng mga empleyado ang mga negosyo at kompanya bago isyuhan ng business permit o lisensya.
Batay kasi sa pinakahuling global assessment patungkol sa pagpapabuti sa karapatan ng mga manggagawa, ang Pilipinas ay kabilang sa 10 pinakamalala sa buong mundo.
Kung epektibo lamang aniya ang pagpapatupad sa labor laws ay malaki ang mababago hindi lamang sa ranking ng bansa pagdating sa workers’ rights kundi pati na rin sa pagpapataas ng buhay ng mga Pilipino.
Hinimok ni Tulfo ang mga kasamahang kongresista sa agad na pagpapatibay ng panukala.
Umaasa rin ito na masesertipikahang urgent ang panukala upang mas mapabilis na maisabatas.