Kinwestyon ni Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation Chairperson Senator Imee Marcos ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na bagong assistance program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Lumalabas sa pagdinig ng Senado na isa ang AKAP sa mga ginamit at ipinangakong kapalit ng lagda ng mga tao para sa People’s Initiative para sa Charter Change.
Ayon kay Sen. Marcos, nagulat siya sa halaga ng programa na aabot sa P26.7 billion na ngayon lang niya natuklasan at narinig.
Maging sina Senators JV Ejercito at Ronald “Bato” dela Rosa ay nabigla rin sa programa na anila’y hindi nila nakita noong nagpasa ng budget para sa 2024.
Sinabi pa ni Sen. Marcos na nakatanggap siya ng text mula sa ilang kongresista na galing sa tanggapan ni Speaker Martin Romualdez kung saan may bilin na lahat ng soft projects kasama ang AKAP ay kailangang dumaan sa opisina ng Speaker.
Aminado naman si DSWD Undersecretary for Legislative affairs Fatima Aliah Dimaporo na ‘foreign’ o hindi sila pamilyar sa programa.