Bagong BIR chief, nanumpa na kay PBBM

Pormal nang nanumpa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Charlito Martin Mendoza bilang bagong Commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR), bilang kapalit ni Atty. Romeo Lumagui Jr., na nagsilbi sa puwesto mula 2022.

Hindi pa nagbibigay ng paliwanag ang Palasyo sa biglaang pagpapalit ng liderato sa BIR, lalo pa’t si Lumagui ay inaanak sa kasal ng pangulo at matagal nang itinuturing na trusted ally sa administrasyon.

Si Mendoza, na dati nang nagsilbi bilang Undersecretary ng Department of Finance, ang mangangasiwa ngayon sa pinakamalaking revenue-generating agency ng bansa.

Sa DOF, siya ang humawak sa buong Revenue Operations Group, na tumututok sa tax collection performance ng BIR at Bureau of Customs upang siguraduhing maabot ang taunang target ng gobyerno.

Bukod dito, pinamunuan din ni Mendoza ang ilang high-level policy bodies, kabilang ang Technical Committee ng Inter-Agency Investment Promotion Coordination Committee (IIPCC)—isang grupong responsable sa risk assessments at national security reviews para sa foreign investments.

Nagtala rin siya ng karanasan bilang District Collector ng Bureau of Customs–Port of Cebu mula 2019 hanggang 2022.

Facebook Comments