BAGONG BOMB THREAT SA MARIANO MARCOS STATE UNIVERSITY, INIIMBESTIGAHAN

Sa pangalawang pagkakataon ngayong linggo, nakatanggap ng alleged bomb threat ang Mariano Marcos State University (MMSU) sa Batac City, Ilocos Norte bandang alas nuebe ng umaga kahapon, Nobyembre 19.

Batay sa paunang imbestigasyon, bandang alas sais ng umaga nang makatanggap ng mensaheng naglalaman umano ng bomb threat ang isang 17-anyos na estudyante ng Laboratory High School-Laoag sa pamamagitan ng Facebook account ng University Student Council (USC).

Agad itong iniulat ng estudyante sa Director ng Office of Student Affairs and Services, na kaagad namang nagbigay-alam sa MMSU Security Director.

Inatasan ang estudyante na kunan ng screenshot ang mensahe at account ng nagpadala.

Kasunod nito, ipinagbigay-alam ng Security Director sa Batac City Police Station ang insidente.

Agad na rumesponde ang mga pulis at nakipag-ugnayan sa Ilocos Norte Provincial Explosive Ordnance Disposal (EOD) and Canine Unit para sa pagsasagawa ng paneling sa lugar.

Nakipagtulungan rin ang estasyon sa Ilocos Norte Provincial Cyber Response Team para sa karagdagang tulong.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang nasa likod ng naturang banta.

Facebook Comments