Bagong building ng RMN DXIC at iFM Iligan, pinasinayaan

Binuksan na kahapon sa publiko ang bagong building ng RMN DXIC at iFM Iligan na pinangunahan ng mga opisyal ng Radio Mindanao Network (RMN).

Dumalo sa seremonya sina RMN Chairman at President Eric Canoy, Executive Vice President at Chief Operations Officer Enrico Canoy, RMN MMV Executive Vice President at Chief Operating Officer Erika Canoy-Sanchez, at RMN Foundation Vice President for Operations at Corporate Communications Head Enrique Canoy.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Eric Canoy na mas pinalakas pa ang signal ng RMN DXIC Iligan upang makapaghatid ng mas malawak na serbisyo publiko, hindi lamang sa Iligan kundi maging sa mga karatig-lugar tulad ng Marawi City at buong Lanao del Norte.

Dagdag pa niya, maaasahan ng publiko ang patuloy na pagbibigay ng makabuluhang impormasyon at serbisyong panradyo na naging tatak ng RMN sa loob ng maraming taon.

Ang RMN DXIC Iligan ang ikalawang istasyon ng RMN matapos maitayo ang kauna-unahang himpilan nito sa Cagayan de Oro noong 1952, na nakatakda ring ipagdiwang ang ika-67 anibersaryo sa darating na Setyembre 29.

Facebook Comments