Nakakatakot at nakakabahala para kay Senator Francis Tolentino ang bagong batas ng China na nagpapahintulot sa Chinese Coast Guard na barilin ang mga foreign vessel sa kanilang inaangking bahagi ng karagatan simula sa unang araw ng Pebrero.
Ayon kay Tolentino, marami tayong mga mangingisda na nasa laot ang posibleng maapektuhan ng bagong batas ng China.
Nangangamba si Tolentino na baka maharap sa panganib ang mga mangingisda mula sa Zambales, Mindoro, Palawan, Batangas at Cavite lalo’t wala silang alam sa bagong batas ng China.
Giit ni Tolentino, dapat din bigyang-pansin ang nakapaloob sa bagong batas na nagpapahintulot sa Chinese Coast Guard na sirain ang lahat ng istraktura na nakatayo sa Chinese-claimed reef.
Pinapayagan din ng nasabing batas ang Chinese Coast Guard na sumakay at mag-inspeksyon sa mga sasakyang pandagat na dumaan sa karagatan na iginigiit nilang bahagi ng kanilang teritoryo.