Bago mag-a-uno ng Oktubre ay iaanunsyo ng Department of Health (DOH) ang magiging COVID-19 alert level sa Metro Manila.
Sabi ni DOH Epidemiology Bureau Director Alethea de Guzman, dedesisyunan nila kung palalawigin pa o ibaba na ang alert level sa NCR.
Ang NCR ay kasalukuyang nasa moderate risk ng COVID-19.
Base sa monitoring ng DOH, bumaba sa -13% ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa rehiyon sa nakalipas na dalawang linggo.
Gayunman, mataas pa rin ang Average Daily Attack Rate (ADAR) nito na 33.98 habang nasa high risk pa rin ang ICU utilization sa Metro Manila.
“Kung ito pong mga numerong ito ng NCR ang pagbabasehan, tayo po ay posibleng manatili pa sa Alert Level 4,” ani De Guzman.
“Ang mga metrics natin at ang ating mga numero ay tuloy-tuloy po nating pag-aaralan. Nakapakahalaga na meron tayong tama at accurate na datos para makapagbigay tayo ng tamang rekomendasyon,” dagdag niya.
Umaasa naman si MMDA Chairman Benhur Abalos na ibababa na sa Alert Level 3 ang NCR pagsapit ng Oktubre.
“Yung mga numbers mismo ng Department of Health at ng OCTA, would say na ang reproduction rate ay bumaba, yung growth rate ay bumaba. What’s important po dito ay nakikita natin na lahat ng ating mamamayan sa Metro Manila ay nakikisama,” saad ni Abalos.
“Hindi po ako doktor, ayoko pangunahin ang mga eksperto. It will be ultimately the DOH who would say kung dapat ba tayo na Alert Level 3, 4, I’m just hoping, ‘no?” aniya pa.
Magtatagal ang implementasyon ng Alert Level 4 sa NCR sa September 30.