Iaanunsiyo ng palasyo ng Malacañang ang bagong COVID-19 alert level sa bansa bago ang Valentine’s Day sa Lunes, Pebrero 14.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, magsasagawa ngayong araw ng preliminary assessment ang Inter-Agency Task Force sa sitwasyon ng COVID-19 bago magpulong sa weekend.
Samantala, para kay Dr. Ted Herbosa, special adviser ng National Task Force Against COVID-19, hindi malabong maibaba pa ang alert level sa bansa dahil sa pagbaba ng mga naitatalang arawang kaso gayundin ang pagluwag ng mga ospital.
Pero aniya, dapat pa ring ikonsidera sa pagdedesisyon ang estado ng pagbabakuna at ang mga aktibidad ngayong panahon ng kampanya.
Una nang iginiit ng infectious diseases expert na si Dr. Rontgene Solante, na masyado pang maaga para ibaba sa Alert Level 1 ang Metro Manila.
Sinabi naman ni MMDA Officer-In-Charge Romando Artes, na inaasahang nasa 1,000 na lamang kada araw ang maitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa NCR ngayong buwan.