Hindi pa masabi o ayaw pang kumpirmahin ng Department of Health kung nakapasok na sa Pilipinas ang bagong variant ng COVID-19.
Ito ay kahit pa kinumpirma ng Hong Kong Center for Health Protection na positibo sa bagong COVID-19 variant ang isang pasaherong lulan ng Philippine Airlines Flight PR300 na galing ng Pilipinas at patungong Hong Kong noong Disyembre 22.
Sa interview ng RMN Manila kay DOH Spokesperson at Usec. Maria Rosario Vergeire, sinisilip pa nila ang manipesto ng flights ng nasabing pasahero upang malaman ang detalye kung saan bansa o lugar sa Pilipinas siya nanggaling.
Sinabi ni Vergeire na sa ngayon ay nananatiling “free” sa new COVID-19 variant ang Pilipinas at patuloy ang isinasagawang test ng Philippine Genome Center sa mga nakuhang samples nito.
Wala pa ring rekomendasyon ang DOH at Department of Foreign Affairs kung palalawigin ang travel ban sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng bagong variant.