Bagong diplomatic protest, inihain ng DFA laban sa China dahil sa higit 200 militia vessels na pumasok sa EEZ ng Pilipinas

Naghain na ang Pilipinas ng bagong diplomatic protest laban sa China hinggil sa mga ulat na pumasok ang nasa 220 militia vessels nito sa Julian Felipe Reef na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa kanyang tweet, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, nagpasa na sila ng protesta kagabi, March 21 at hindi na nila hihintayin pa na ipagpabukas ito.

Dagdag pa ng kalihim, inirekomenda ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang paghahain ng protesta.


Bago ito, kinuwestyon ni Locsin ang awtoridad ng National Task Force on West Philippine Sea (WPS) sa paglalabas ng press release kung saan ipinapahayag nito ang pagkabahala ng pagpasok ng mga barko ng China sa EEZ ng Pilipinas.

Aniya, hindi dapat naglalabas ng pahayag ang NTF dahil isa itong “secret group.”

Sa ilalim ng Memorandum Order No. 94, binuo ng pamahalaan ang NTF-WPS noong March 17, 2016 para sa pagbuo ng mga polisia sa South China Sea, na pinamumunuan ng National Security Adviser at binubuo ng undersecretaries ng 15 iba’t ibang ahensya.

Ang pagbuo sa Task Force ay kasunod ng pagbasura ng International Arbitral Tribunal noong July 12, 2016 sa pag-aangkin ng China sa halob buong South China Sea.

Facebook Comments