Iginiit ng Makabayan Bloc sa Kamara na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ukol sa mga kontrobersiyang bumabalot sa bagong Department of Tourism o DOT branding campaign.
Ang hirit na imbestigasyon ay nakapaloob sa house resolution number 1115 na inihain nina ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas at Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel.
Ayon kay Representative Castro, kailangang masilip ang milyun milyong pisong pera ng taumbayan na ginastos sa paglulunsad ng “Love the Philippines” tourism campaign.
Ikinabahala rin ni Castro ang mga impormasyon na may kinalaman sa kontrobersya ang ilan umanong malapit kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., kaya nakukwestyon ang intensyon sa pagpapatupad ng branding campaign ng DOT.