Pormal nang tinanggap ng mga opisyal ng Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Air Force ang isang bagong eroplano mula sa Estados Unidos.
Pinangunahan ito nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., at Philippine Air Force Commanding General Lieutenant General Stephen Parreño sa Clark Air Base sa Mabalacat City, Pampanga ngayong umaga.
Ayon kay Philippine Air Force Spokesperson Colonel Ma. Consuelo Castillo, ang C-208B Aircraft ay nakuha sa pamamagitan ng grant programs ng gobyerno ng Amerika sa Philippine Air Force sa ilalim ng Foreign Military Sales (FMS) Program.
Pangunahing tungkulin ng eroplano na tugunan ang security concerns ng bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng intelligence, surveillance, and reconnaissance (ISR) operations.
Ang bagong C-208B ay may upgraded integrated flight deck, audio panel, center console, audio control panels, cockpit displays, airborne sensor operators console, inertial navigation system, video encoder, sensor camera, at datalink.
Ide-deploy ang eroplano sa 300th Air Intelligence and Security Wing (AISW).