Iginiit ni Senator Risa Hontiveros, na hindi dapat makaapekto sa kita ng mga riders ang bagong fare matrix na ipinatupad ng Grab.
Sa bago kasing fare matrix ng Grab, mula sa ₱45 na minimum base fare ay ibinaba ito sa ₱35 habang ang dagdag na bayad na per kilometer na ₱10 ay ibinaba sa ₱7.
Kung ang senadora ang tatanungin, kung ang layunin ng bagong fare matrix ay para maibsan ang pasanin ng mga customers, hindi dapat maapektuhan dito ang kita ng mga riders.
Binigyang-diin ng senadora na sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin, hindi dapat tapyasan pati ang kita ng mga manggagawa.
Sinita rin ni Hontiveros, ang napaulat na hindi makatarungang pagsuspindi ng ride-hailing platform sa mga riders matapos sumali sa protesta laban sa bagong fare matrix.
Aniya, kung totoo man ito, dapat na mapaalalahanan ang Grab na ang kanilang mga riders ay may karapatang mag-organisa at maghayag ng kanilang mga reklamo.