Bagong guidelines para maiwasan ang pagkalat ng Mpox sa bansa, inilabas ng DOH

Inilabas na ng Department of Health (DOH) ang updated na interim guidelines kaugnay sa prevention, detection, at pagkontrol sa Mpox sa bansa.

Batay sa memorandum na pirmado ni Health Secretary Ted Herbosa, bawal muna ang paghalik, pagyakap, at pakikipagtalik sa mga pasyenteng hinihinalang may kaso ng Mpox.

Sakali namang hindi maiiwasan ang contact ay kinakailangang magsuot ng mga mag-aalaga ng personal protective equipment (PPE) upang maiwasang mahawa sa sakit.


Pinaiiwas din muna ng DOH ang publiko sa paghawak sa mga hayop na posibleng nagdadala ng virus lalo na sa lugar kung saan may naitalang kaso ng Mpox.

Pinapayuhan pa ang publiko na ugaliin ang madalas na paghuhugas ng kamay.

Habang inaatasan naman ang lahat ng healthcare providers na obserbahang mabuti ang isang pasyenteng posibleng may Mpox lalo na kung magpapakita ito ng mga sintomas gaya ng rashes, butlig at kulani.

Kailangan din agad i-report ang suspect, probable, o confirmed na kaso sa loob ng 24 na oras mula nang ma-detect ito isasailalim sa laboratory confirmation.

Ang mga naging close contacts naman ay dapat din bantayan ang sarili kung makakaranas ng sintomas sa loob ng 21 araw mula nang makasalamuha ang pasyente na posibleng may Mpox.

Sa pinakahuling datos ng DOH, nasa lima pa rin ang aktibong kaso ng Mpox.

Facebook Comments