
Naglabas ng bagong patakaran ang Bureau of Customs (BOC) upang higpitan at gawing mas maayos ang inspeksiyon sa mga international airport.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa maayos at mabilis na serbisyo sa publiko.
Inanunsyo ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang mga alituntunin na nag-aatas ng magalang at propesyonal na pakikitungo ng mga customs officer sa lahat ng international travelers.
Kabilang sa bagong patakaran ang pagtatayo ng Secondary Inspection Area sa lahat ng international airport bilang hiwalay at secure na lugar para sa karagdagang beripikasyon ng dokumento at bagahe, lalo na kung humihiling ng privacy ang pasahero.
Mayroon ding gender-sensitive inspection kung saan, hangga’t maaari, kaparehong kasarian ng pasahero ang magsasagawa ng inspeksiyon.
Nilinaw ng BOC na ang secondary inspection ay karaniwang proseso at hindi awtomatikong nangangahulugan ng paglabag.
Inatasan naman ang mga District Collector na tiyaking operational ang mga lugar na ito at magsumite ng ulat sa loob ng 30 araw.










