Bagong guidelines sa toll expressways na ipatutupad sa August 31, ipinagpaliban ng DOTr

Isang buwan na ipinagpaliban ng Department of Transportation (DOTr) ang implementasyon sa bagong guidelines sa paggamit o pagdaan ng mga toll expressways.

Ito ang inanunsyo ngayon ng DOTr kasunod ng nalalapit na pagpapatupad ng Joint Memorandum Circular 2024-001 o ang Revised Guidelines for All Vehicles Travelling on Toll Expressways.

Sa ilalim ng nabanggit na bagong panuntunan, pagmumultahin na ang lahat ng mga motorista na walang nakakabit na Valid Electronic Toll Collection Device gaya ng RFID.


Kabilang din sa pagmumultahin ang mga nagmamaneho ng sasakyan na kulang ang load o walang load ang kanilang mga RFID.

Batay sa unang abiso ng DOTr, dapat ay sa darating na Sabado, Agosto 31 ipatutupad ang kautusan pero ipinagpapaliban ito hanggang sa October 1, 2024.

Layon ng bagong guidelines na mapabilis ang daloy ng trapiko sa mga toll plaza na naantala ng mahabang pila dahil sa mga sasakyan na walang RFID o walang load ang kanilang RFID .

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang 30-araw na deferment o pagpapaliban ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga tollway operators na magsagawa ng malawakang information campaign at maipabatid sa mga motorista ang bagong patakaran.

Facebook Comments