Bagong hepe ng Pasay PCP3, pinangalanan na ng NCRPO

Manila, Philippines – Kasunod ng pagsibak sa lahat ng pulis sa Pasay PCP3, agad nagtalaga ang NCRPO ng bagong hepe na mamumuno sa nasabing presinto.

Kung maalala, giniit ng arestadong suspek na ninanakaw ng mga pulis Pasay ang mga ebidensya na nabawi sa kanya na nagkakahalaga na 10,000 euro.

Ayon kay NCRPO Director General Oscar Albayalde, matapos tanggalin sa pwesto si police Sr. Inspector Joel Remedios Terte, itinalaga nya bilang bagong PCP 3 commander si police chief Insp. Marvin Oloan.


Gayunman, nilinaw ni Albayalde na ang ginawang hakbang sa pagsibak sa dating hepe ng presinto ay hindi nangangahulugang guilty ang mga pulis doon.

Parte lamang aniya ito ng proseso para hindi makaapekto sa isinasagawa nilang imbestigasyon.

Sumatutal, 35 pulis Pasay ang inilagay sa floating status matapos masibak sa pwesto.

Habang ang hahawak naman sa pag-iimbestiga sa kaso ay ipinagkatiwala ng NCRPO sa regional investigation division.

Samantala, nangako naman si Albayalde na agad aayusin ang nasabing gusot habang nagbanta naman ito sa iba pang mga pulis na agad sisibakin kapag nadawit ang pangalan sa anumang anomalya.

Facebook Comments