Bagong iligal na droga na “Happy Water”, kumakalat sa Thailand at Myanmar; binabantayan ng PDEG katuwang ang ibang ahensya para hindi makapasok sa Pilipinas

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na may bagong iligal na droga na binabantayan ngayon ang PNP-Drug Enforcement Group.

Ito ang “Happy Water” na kumalat na sa Thailand at Myanmmar na kombinasyon ng 5 synthetic substance.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) Director BGen Faro Antonio Olaguera, inalerto na ng United Nations ang international community sa “Happy Water” at sa posibleng epekto nito.


Paliwanag ni Olaguera, pinaniniwalaang mas delikado ang “Happy Water” kumpara sa iligal na droga dahil sa euphoric effect nito kung saan odorless at colorless umano ang bagong iligal na droga na ito na pwedeng ihalo sa inumin at pagkain.

Kaya naman sa ngayon, nakikipag ugnayan na ang PDEG sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang ahensya para mapigilan ang pagpasok nito sa bansa.

Samantala, nagbabala naman si Olaguera sa publiko lalo na sa mga mahilig mag party na huwag basta-basta tumanggap ng inumin mula sa mga hindi kakilala.

Ito’y para maiwasang mabiktima ng naturang iligal na droga.

Facebook Comments