Bagong in-app services, ilulunsad ng Grab

Ipinakilala ng ride-hailing firm na Grab Philippines ang mga bago nitong in-app services at innovations bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang ika-pitong taong anibersaryo.

Ayon kay Grab Philippines President Brian Cu – ma-e-enjoy na ang mga bagong serbisyong hatid ng Grab app na layong magbigay ng “better everyday experience” para sa mga Pilipino.

Kabilang sa isasagawa ngayong taon ay ang pilot testing ng bus marketplace kung saan makikipag-partner ang Transport Network Company (TNC) sa bus operators at shipping lines sa Metro Manila para magbigay ng on-demand ticket booking system para sa bus at ferry rides.


Sa pamamagitan nito, maaari na ring mag-book ang Grab users ng ride sa bus at ferry na may updates sa ruta, oras at petsa nito.

Maliban sa pagpapaganda ng mobility at transportation, mag-a-upgrade din ang Grab sa kanilang lifestyle at payment services kabilang ang on-deman video content streaming, pag-book ng movie tickets at hotel accommodations.

Magkakaroon din ng limited promotional campaign tampok ang flat fee na 99 pesos at 149 pesos para sa intrazone at interzone Grabshare trips.

Sa Phase 1, ang Grab users na magbo-book para sa Grabshare trips sa loob ng Makati zone (Makati, Fort Bonifacio at Vito Cruz) ay magbabayad lamang ng 99 pesos para sa kanilang biyahe simula June 10.

Magkakaroon din ng Ortigas zone (Mandaluyong City, Ortigas at West Pasig) sa June 4 para sa Phase 2, habang interzone services o biyahe sa pagitan ng Makati at Ortigas ay magsisimula sa July 8.

Facebook Comments