Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA), Lunes ng umaga, na tinamaan ng bird flu ang halos 1,500 pugo sa isang farm sa Barangay Ulanin-Pitak, Jaen, Nueva Ecija.
Sinabi ni DA Secretary William Dar na agad isinalalim sa culling operation ang mga ito matapos tamaan ng H5N6 strain na avian influenza.
Bagaman maliit ang tsansang maipasa sa tao ang virus, sinuri pa rin ng mga espesyalista ang mga residenteng na-expose sa mga pugo at sumailalim sa quarantine para sa kanilang kaligtasan.
Bunsod nito, inilikas o dine-populate muna ang 12,000 pugo upang hindi mahawaan ng bird flu.
“Animal quarantine checkpoint have also been established to restrict the movement on all live domestic birds to and from the 1-kilometer radius quarantine area,” dagdag ng kagawaran.
Pansamantalang ipinagbawal ang pagtitinda ng mga karne at itlog ng pugo na sakop ng 1-kilometrong palibot ng apektadong bukid.
Tiniyak ng kalihim na gagamitin nila ang calamity and quick response fund upang labanan ang bird flu.
Samantala, inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na handa silang tumugon sa naturang banta kahit may kinakaharap na COVID-19 ang bansa.