Inihayag ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na bumababa na ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID 19 sa kanilang lungsod.
Hanggang kagabi may 14 na lang na bagong kumpirmadong kaso habang 50 ang gumaling.
Base sa pagsusuri, 47% ang ibinaba sa bilang ng mga bagong kaso kung ikukumpara ang 1,492 na mga nagpositibo noong August 1-14 at 790 noong August 15-28.
Paalala ng alkalde hindi pa rin dapat maging kampante ang publiko at sa halip ay lalong doblehin ang pag-iingat para patuloy pang bumaba ang bilang ng mga nahahawaan.
Sa huling datos na inilabas ng Navotas Local Government Unit (LGU) kagabi, nasa 3,655 na ang mga nakarekober sa sakit, 505 ang active cases at 122 ang bilang ng mga nasawi dahil sa virus.
Sa kabuuan, abot naman sa 4,282 ang kumpirmadong COVID-19 cases na naitala sa lungsod.