
Tinanggap na ng Bicameral Conference Committee ang isiningit na bagong farm-to market roads projects ng Department of Agriculture (DA) na aabot ng P8.9 billion.
Nagkaroon ng diskusyon ang mga mambabatas tungkol sa naging liham ni DA Secretary Francisco Tiu-Laurel noong December 15 kung saan dito lumitaw ang P8.9 billion na bagong listahan ng FMR projects mula sa kabuuang P33 billion na unang inaprubahang pondo ng BICAM noong December 13.
Kinwestyon ni Senator Loren Legarda kung bakit hindi nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) at sa inaprubahang House General Appropriations Bill (HGAB) ang P8.9 Billion FMR projects.
Giit ng senadora, kahit pa may kumpletong coordinates o impormasyon ang bagong listahan ng FMR projects, hindi dapat makasanayan ng mga ahensya na sa kada “last minute” ng BICAM ay saka sila magpapasa ng bagong listahan para palitan ang mga proyektong nakapaloob sa kanilang taunang pondo.
Tinukoy naman ni Senator Kiko Pangilinan na nakasaad sa liham ng DA Secretary na ang naunang isinumiteng mga proyekto ay walang approval ng Kalihim dahil ito ay naka-medical leave kaya ngayon ay posibleng itinatama nila ang listahan at sa unang pagkakataon ay kumpletong nakalista pati ang coordinates o itemized projects na hindi ginagawa sa mga nakalipas na budget process.
Sinuportahan naman ito ni BICAM Co-Chair Congw. Mika Suansing na ang mga piniling proyekto sa ilalim ng bagong listahan ay tiniyak ng DA na handa para sa implementasyon at tumutupad sa national at regional priorities para sa pagpapalakas ng agriculural production, pagpapababa ng pagkalugi sa post-harvest at pagpapalawak ng market access sa mga prayoridad na lugar ng mga magsasaka.









