
Tinukoy ni Senator Kiko Pangilinan na bigla na lamang sumulpot ang P8 billion na bagong listahan ng farm-to-market roads sa bicameral conference committee.
Ayon kay Pangilinan, nang aprubahan nila ang P33 billion na farm-to-market roads, mayroong listahan ng proyekto na may kumpletong coordinates o detalye subalit may lumabas na bagong listahan para sa P8 billion na halaga ng proyekto na walang coordinates.
Babala ng senador, kung hindi mabibigyan ng detalye ay ipapabawi nila ang approval ng buong budget para sa farm-to-market roads.
Nauna ring sinabi ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na may P5 billion na halaga ng farm-to-market roads ang lumutang sa bicam at tanong ng senador ay saan ito nanggaling dahil posibleng bagong kaso ito ng katiwalian.
Binigyang-diin ni Lacson na galit pa ang taumbayan sa mga maanomalyang flood control projects at mistulang may pagtatangka pa rin na ulitin ang anomalya sa pamamagitan ng insertion sa ibang infrastructure projects.









