Nasa 13 rehiyon na sa bansa ang nagpatupad ng umento sa sahod ngayong taon.
Pinakahuli rito ang minimum wage hike sa CARAGA na inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong nakaraang linggo.
Sa ilalim niyan, madadagdagan ng P50 ang arawang sahod ng mga minimum wage earners sa pribadong sektor na ibibigay sa loob ng dalawang bugso.
Ibig sabihin, mula January 02, 2025 ay nasa P415 na ang arawang minimum wage sa rehiyon mula sa kasalukuyang P385.
Habang ipapatupad ang ikalawang bugso sa May 01, 2025 kung saan magiging P435 naman ang daily minimum wage sa CARAGA.
Samantala, tinaasan na rin ng isang libong piso ang sahod ng mga kasambahay sa rehiyon na aabot na sa P6,000 kada buwan.
Inaasahang nasa mahigit 65,000 na minimum wage earners sa rehiyona ng makikinabang sa umento sa sahod bukod pa sa 32,866 na domestic workers o mga kasambahay.
Samantala, sa ngayon ay nasa final stage na rin ang regional wage board ng region 10 para sa posibleng umento sa sahod habang ang region 11 naman ay sa Enero ng susunod na taon pa inaasahang magpapatupad ng umento sa sahod.
Ang Bicol Region naman ay hindi pa muna magkakaroon ng wage hike lalo na’t katatapos lamang ng pagtama ng mga nagdaang bagyo.