Isa umanong bagong modus ng human trafficking ang ginagawa ngayon sa ating mga kababayan.
Sa privilege speech ni Senator Risa Hontiveros, binibiktima ngayon ng isang Chinese mafia ang ating mga kababayan kung saan pinapangakuan sila ng trabahong call center sa Thailand pero ang totoo ay gagawin pala silang online scammer ng mga gumagamit ng crypto currency sa Myanmar.
Sinabi pa ng senadora na kapag walang nahuthutan ang mga Pinoy sa crypto currency ay pinaparusahan sila gaya ng hindi pinapakain, hindi pinapasweldo, ibinibenta sa ibang kumpanya, at pinagbabantaan pa ang mga buhay.
Ginagawa umanong “incubator” ng mga scammers ang Pilipinas dahil sa ngayon ay bumubuo ang Chinese mafia ng “all Filipino team” ng scammer sa Myanmar at sa iba pang lugar dahil sa English proficiency ng mga Pilipino.
Malaking katanungan sa senadora kung papaano naitatawid sa Myanmar ang mga Pilipino gayong may deployment at travel ban doon.
Nito lamang weekend ay na-rescue ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang 12 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa isang Chinese syndicate na naka-base sa Myanmar.