Bagong modus na “hotel salisi”, ibinabala ng PNP

Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko hinggil sa panibagong modus ng mga kawatan na tinawag na “hotel salisi”.

Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP PIO) Chief PBGen. Jean Fajardo, nakatanggap sila ng ulat hinggil sa umano’y pagpunta ng suspek sa mga okasyon at convention sa mga hotel at nagpapanggap na bahagi ng mga event at saka magnanakaw.

Nagbabala rin ang PNP partikular na ang mga nasa sektor ng hotel management na mag-ingat at maging alerto upang hindi mabiktima ng mga kawatan.


Kahapon lamang nasakote ng Makati City Police Station ang isang alyas Daniel Mercado residente ng San Simon, Pampanga na sangkot umano sa hotel theft.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakita ang suspek sa ilang hotel sa Makati at doon nambibiktima.

Sa datos ng PNP mayoong robbery, malicious mischief at theft na kinakaharap ang suspek sa Olongapo City, Tarlac at Cainta Rizal noong 2019.

Facebook Comments