Manila, Philippines – Inilabas na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga disenyo ng new generation coins.
Ayon sa BSP Deputy Governor Diwa Gunigundo, ang mga bagong barya ay matibay, mahalaga at mahirap kopyahin o peke-in.
Kung sa mga lumang barya ay may iba’t-ibang disenyo at kulay, sa mga bago ay pare-parehas na itong kulay pilak o silver at gawa sa nickel-plated steel na hindi kalawangin.
Tampok sa bagong sampung pisong barya si Apolinario Mabini sa harap at ang halamang ‘kapa-kapa’ sa likuran nito.
Pa-zig-zag at may edge lettering ito sa gilid.
Plain edge naman ang mayroon sa limang piso kung saan tampok si Andres Bonifacio at halamang ‘tayabak’.
Ang piso naman ay may edge pattern na plain at zig-zag at nanatili si Jose Rizal ang nakaukit dito at ang halaman sa likod nito ay ‘waling-waling’.
Tatlong bituin at araw naman ang mukha ng 25, lima at isang sentimo.