Cauayan City, Isabela- Pinag-aaralan ngayon ng mga kinauukulan kung bakit nakalusot ang isang indibidwal na bagong naitalang nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa brgy San Fabian, Echague, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Francis Kiko Dy ng Echague, galing sa ibang lugar ang nagpositibo at agad na dumeretso sa kanyang tahanan nang siya ay dumating sa Lalawigan noong Hunyo 4, 2020.
Kaugnay nito, agad namang inireport ng mga opisyal ng barangay ang kanyang pagdating kaya’t naidala sa district hospital at kinuhanan ng swab sample at isinailalim sa mandatory quarantine.
Lumabas ang resulta ng kanyang swab test kahapon, Hunyo 9, 2020 at siya ay positibo sa COVID-19.
Sa ngayon ay hindi pa nilalantad ng alkalde ang kasarian at kung saang lugar nanggaling ang nagpositibo.
Ayon pa sa alkalde, problema nila ngayon ang gagawing contact tracing dahil limang (5) araw na ang nakalipas bago pa malaman ang resulta ng kanyang swab test.
Kaugnay nito, mahigpit munang ipagbabawal ang paglabas at pagpasok ng sinuman sa bayan ng Echague bilang bahagi ng kanilang contact tracing.
Kung maaari aniya ay dumaan muna sa mga alternatibong ruta kung magtutungo sa Lungsod ng Santiago at Cauayan maging sa ibang mga karatig na bayan.
Paalala naman nito sa mamamayan ng Echague na sumunod sa kanilang kahilingan na kung hindi kinakailangang lumabas ay manatili sa bahay at iwasang makihalubilo sa maraming tao upang makaiwas sa nakamamatay na sakit.