Posibleng mas madaling makahawa at makawala sa bisa ng kasalukuyang bakuna ang bagong Omicron subvariant ng COVID-19 na BA.2.75.
Gayunpaman, sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante na maaga pa para sabihin na kung ano ang mga katangian ng naturang Omicron subvariant.
Pero, may mga mutation aniya silang nakita na indikasyon nang posibleng mas mataas na antas na transmission nito.
Ayon pa kay Solante ay naghihintay pa sila sa ngayon ng datos na magpapakita kung nagdudulot ng mas malalang kondisyon o sintomas ang BA.2.75, lalo pa na posible aniya maapektuhan nito ang bisa ng mga bakuna na ginagamit ngayon laban sa COVID-19.
Dagdag pa ni Solante, oras na lamang o panahon ang inaantay at posibleng makapasok na rin sa Pilipinas ang BA.2.75 Omicron subvariant, kaya kailangan aniya ngayon pa lamang ay mapaghandaan na ito ng pamahalaan.