Isasagawa ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang isang public hearing sa Huwebes, Oktubre 23, sa Dagupan People’s Astrodome upang talakayin ang panukalang bagong Tricycle Fare Matrix at mga regulasyong pangkaligtasan.
Nakasaad sa opisyal na anunsyo ng lungsod na bukas ang pagdinig para sa lahat, partikular sa mga tricycle drivers at operators, mananakay, mga paaralan, establisimyento, senior citizens, estudyante, Persons with Disabilities (PWDs), at mga kinatawan ng civil society organizations.
Layunin ng naturang pagpupulong na magkaroon ng patas at malinaw na sistema ng pamasahe na makatutulong sa mga driver habang nananatiling abot-kaya para sa mga commuter.
Ayon sa ilang komyuter, matagal na umano nilang hiling na magkaroon ng malinaw na fare matrix upang maiwasan ang kalituhan at pagkakaiba-iba ng singil sa pamasahe.
Inaasahan ng Konseho na sa pamamagitan ng konsultasyong ito, mabuo ang isang patakarang sumasalamin sa pangangailangan at boses ng mga Dagupeño.









