Inihain ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang isang panukalang batas na layuning susugan at rebisahin ang kasalukuyang mga panuntunan na may kinalaman sa ‘emergency procurement’.
Ito ay ang Senate Bill No. 2433 na mag-aamyenda sa ilang probisyon ng Government Procurement Reform Act, lalo na ang mga may kinalaman sa tinatawag na “negotiated procurement.”
Sa panukala ni Tolentino, dapat maging klaro sa ilalim ng batas na may sapat na pinansyal na kakayahan ang isang supplier o kontratista na kukunin ng pamahalaan sa tuwing magkakaroon ng emergency procurement kagaya ng nangyari ngayong COVID-19 pandemic.
Nakapaloob sa panukala na kinakailangang magsumite ang mga kontratista o bidder ng sapat sa mga dokumento na magpapatunay na may sapat itong pinansyal na kapabilidad na sa ilalim ng mga panuntunang itinakda ng pamahalaan.
Diin ni Tolentino, dapat na magsilbing aral sa pamahalaan ang mga lumabas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na naging butas sa nangyaring emergency procurement sa kasagsagan ng pandemya.
Ang tinutukoy ni Tolentino ay ang pagbili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management ng P10 billion halaga ng pandemic supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporations na mayroon lang kapital na P625,000.