Bagong paraan ng human trafficking, nadiskubre; BI, pinag-iingat ang publiko

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) laban sa bagong paraan ng human trafficking na ginagamit laban sa mga Pilipino.

Ayon sa BI, gumagamit na ngayon ng mga lehitimong overseas employment documents ang mga sindikato upang mailabas ng bansa ang mga Pilipino at ipasok sa online scam operations sa abroad.

Noong Biyernes, apat na Pilipino na unang ipinadala bilang overseas Filipino worker (OFW) sa Brunei ang nabiktima ng trafficking at dinala sa Laos, na idinaan sa Thailand.

Ang mga biktima ay ni-recruit online at inalok ng trabahong customer support na may sahod na ₱47,000 kada buwan.

Ang mga dokumentong tulad ng Brunei work visa at Overseas Employment Certificate (OEC) ay ibinigay lamang sa araw ng kanilang pag-alis, at ginamit bilang pantakip sa iligal na paglipat sa ibang bansa.

Pagdating sa Laos, pinagtatrabaho umano ang mga biktima ng hanggang 15 oras bawat araw at pinilit na gumawa ng online scam activities.

Humingi sila ng tulong sa Embahada ng Pilipinas, na agad na nagkasa ng kanilang repatriation sa tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ginagamit na ngayon ng mga sindikato ang lehitimong OFW deployment channels sa pagpapatakbo ng human trafficking.

Patuloy aniya na nililinlang ng mga recruiter ang mga Pilipinong desperadong makahanap ng trabaho sa abroad.

Naaresto na ang isa sa mga recruiter, habang iniimbestigahan pa ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang iba pang sangkot.

Nagpaalala ang BI sa publiko na beripikahin lamang ang mga alok na trabaho sa mga lisensyadong recruitment agencies at iwasan ang mga job offer sa social media.

Facebook Comments