Bagong passport law, lusot na sa komite ng Kamara

Pasado na sa Committees on Foreign Affairs at Appropriations ang consolidated bill para sa panukalang bagong passport law.

Ayon kay Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, may-akda ng House Bill 6399, papalitan ng panukala ang kasalukuyang batas na Republic Act 9239 o Philippine Passport Act of 1996.

Iginiit ng kongresista na kailangan nang ma-update ang 24 na taon na batas dahil tatlong batas na ang napagtibay ng Kongreso na nakaka-apekto sa “right to travel” kabilang dito ang Domestic Adoption Act of 1998, Citizenship and Reacquisition Act of 2003 at Philippine Identification System Act.


Layunin ng naipasang panukala na i-update at maipakita sa kasalukuyang batas ang mga nakaka-apekto sa pagpoproseso ng pag-iisyu ng passport.

Kabilang sa mga probisyon dito ang itinatatakdang minimum requirements para sa aplikasyon ng passport, grounds at proseso sa denial o revocation ng passport request, uri ng mga pasaporte, validity at pag-iisyu ng travel documents.

Mabibigyan naman ng 50% discount ang mga senior citizens sa pagkuha ng pasaporte at iba pang travel documents.

Sa oras na maisabatas ay mahaharap sa tatlo hanggang 15 taong pagkakakulong at multang ₱15,000 hanggang ₱2 million ang mga lalabag dito habang kung ang offender ay isang public officer ay agad itong tatanggalin sa serbisyo at bawal na itong humawak ng anumang public office.

Facebook Comments