Bagong PhilHealth Chief, dapat manatiling gising at huwag kukurap para hindi malusutan ng katiwalian sa ahensya

Courtesy: RTVM | (Screen Capture)

Umaasa si Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang liderato ni PhilHealth President Dante Gierran ang magbibigay ng liwanag sa madilim na operasyon ng ahensya.

Pinayuhan ni Drilon si Gierran na manatiling gising at huwag kukurap para walang makalusot na katiwalian dahil high level at deeply embedded na ang korapsyon at naperpekto na ng sindikato sa PhilHealth.

Iginiit din ni Drilon kay Gierran na pairalin ang transparency bilang pinaka-epektibong paraan para mapigilan ang kurapsyon at magagawa ito sa pamamagitan ng pagpapahusay sa teknolohiya sa PhilHealth.


Inaasahan naman ni Senator Sonny Angara na magagampanan ng maayos ni Gierran ang bagong tungkulin at wala rin itong oras na sasayangin para maisunod sa makabagong teknolohiya ang sistema sa PhilHealth.

Mahalaga rin para kay Angara na mai-update ni Gierran ang sistema para sa case rates na isa sa mga nagagamit sa systemic corruption sa PhilHealth kung saan nasasakripisyo ang mamamayang higit na nangangailangan.

Facebook Comments