Bagong Philippine Army Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, tiniyak na walang sundalo ang aabuso sa pagpapatupad ng Anti-Terrorism Law

COURTESY: PHILIPPINE ARMY

Siniguro ng bagong Commanding General ng Philippine Army na si Lieutenant Gen. Cirilito Sobejana na walang sundalo ang aabuso sa Anti-Terrorism Law sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Ginawa nito ang pahayag sa kanyang pormal na pag-upo sa pwesto kahapon, kapalit ni dating Philippine Army Chief Lt. Gen. Gilbert Gapay na ngayon nakapwesto na bilang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Sobejana, sa harap nang pagiging abala ng mga sundalo sa paglaban pandemya ay kinakailangan pa rin ang pagsugpo sa terorismo partikular sa Mindanao.


Pero binigyang diin ni Sobejana na itataguyod ng Philippine Army ang “rule of law”, paggalang sa karapatang pantao at pagsunod sa International Humanitarian Law sa kanilang pagtugis sa mga kalaban ng estado.

Aniya, hindi tutularan ng mga sundalo ang mga gawain ng kanilang mga kalaban na walang kinikilalang batas.

Titiyakin aniya niya na ang bawat sundalo ay gagawin ang disiplina sa pagpapatupad ng Anti-Terrorism Law.

Facebook Comments