Umaabot sa 3,000 residente ng Siquijor ang nakatanggap ng kabuuang P2,000 ayuda bawat isa kung saan P1,000 ay cash at dagdag na 25-kilong bigas na na halagang P1,000.
Ang pamamahagi ng nabanggit na tulong pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian.
Bahagi ito ng pag-alalay ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa mga mahihirap na Pilipino sa gitna ng mataas na presyo ng bigas.
Ang aktibidad ay isinabay sa paglulunsad ng Cash and Rice Distribution o CARD Program sa Dugukanan at Kapitolyo ng Siquijor bukod sa pagdaraos ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) kung saan tinatayang 50,000 mga residente ng lalawigan ang nakinabang sa one-stop shop na pagkakaloob ng iba’t ibang serbisyo.
Maliban sa CARD program, ay inilunsad din ni Speaker Romualdez sa Siquijor ang iba pang programang binuo ng House of Representatives at DSWD kabilang dito ang ISIP o Integrated Scholarships and Incentives Program at ang SIBOL o Start-up Incentives, Business Opportunities and Livelihood Program.