Bagong pinuno ng Southern Police District, ipinakilala na

Pormal nang ipinakilala sa publiko ang bagong acting district director ng Southern Police District (SPD) na si Police Brigadier General Joseph Reyes Arguelles.

Sa turn-over command ceremony na ginanap sa Southern Police District Headquarters sa Taguig City, ang transition of command na ito ay pinangunahan ni outgoing District Director Police Brigadier General Manuel Abrugena at dumalo rin sa okasyon si Police Major General Anthony Aberin, ang regional director ng National Capital Region Police Office.

Nagbigay naman ng mensahe ng pasasalamat, si Police Brigader Abrugena at nagpahayag ng kaniyang taos-pusong pasasalamat sa kaniyang command group at sa lahat ng tauhan ng SPD para sa suporta at tiwala na kanyang natanggap sa kaniyang pamumuno kasunod ng pagpapahayag ng kaniyang kumpiyansa sa SPD na patuloy na aangat sa ilalim ng bagong pamunuan nito.


Si Police Brigader General Abrugena ay nakatakdang humarap sa kaniyang bagong tungkulin bilang acting deputy regional director for operations ng NCRPO.

Habang inilatag naman ni Police Brigader General Arguelles ang kaniyang mga pananaw para sa SPD, kung saan ay binibigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-maximize ng available resources upang higit pang mapahusay ang paghahatid serbisyo ng pulisya.

Pagtapos ng seremonya ay humarap si Police Brigadier General Arguelles sa kaniyang kauna-unahang command conference na dinaluhan ng iba’t ibang pulis mula sa SPD.

Nanawagan si Arguelles sa lahat ng tauhan ng SPD na magtulungan sa paghahangad ng kahusayan, upang matiyak ang mas ligtas na mga komunidad sa buong Southern Metro Manila.

Facebook Comments