Nagbigay-babala ang bagong pinuno ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Benjamin Acorda laban sa mga pulis na masasangkot sa ilegal na droga.
Sa talumpati nito kasabay ng kanyang pagkakatalaga bilang ika-29 na PNP chief, sinabi nitong malinaw ang kanyang mandato sa lahat ng mga opisyal at kawani ng Pambansang Pulisya na wala ni isa sa mga ito ang dapat na masangkot sa illegal drug trade.
Ani Gen. Acorda, binabalahan nya ang sinumang masasangkot sa ilegal na droga na sila ay kakasuhan at tatanggalin sa serbisyo.
Magiging agresibo din aniya ang laban nila kontra illegal drugs.
Matatandaang nalalagay sa kontrobersiya ngayon ang ilang opisyal at tauhan ng PNP matapos ang umano’y tangkang cover up sa pagkaka aresto kay PMSgt. Rodolfo Mayo Jr., na nahulihan ng halos 1 toneladang shabu sa kanyang lending shop sa Maynila noong isang taon.
Nabatid na bago maitalagang PNP chief ay nanilbihan si Acorda bilang Intelligence Director.
Mula ito sa Philippine Military Academy o PMA Sambisig Class of 1991 at galing Norte.
Si Acorda ay magsisilbi bilang PNP chief sa loob ng mahigit pitong buwang panunugnkulan hanggang sa magretiro ito sa Disyembre 3, 2023 pagsapit ng kanyang ika-56 na kaarawan.