Bagong polisiya pagdating sa pagsagot ng PhilHealth sa pagpapa-admit ng isang pasyente, pagpupulungan sa Biyernes – DOH

Magpupulong ang En Banc ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) Board of Directors sa Biyernes, September 27 kaugnay sa bagong polisiya na napagkasunduan ng Benefits Committee.

Kahapon nang i-anunsiyo ng Department of Health (DOH) na nagdesisyon ang komite sa pangunguna ni Health Secretary Teodoro Herbosa na irekomenda ang pag-aalis ng single period sa confinement rule.

Sa ilalim ng All Case Rates Policy No. 2 ng PhilHealth, isang beses lamang sasagutin ng ahensiya ang pagpapa-admit ng isang pasyente kahit na muli itong na-confine sa kaparehong sakit o procedure sa loob ng 90 araw.


Ibig sabihin, pagkatapos pa ng tatlong buwan sasagutin ng PhilHealth ang pagpapagamot sa isang pasyente kung tulad ito ng kaso.

Dahil sa single period of confinement rule, nasa 26,750 claims noong nakaraang taon pa lamang ang hindi napagbigyan.

Kaya ayon kay Secretary Herbosa, aayusin na ang mga polisiya upang mapagaan kahit paano ang buhay ng mga pamilya lalo na’t mayroon na namang umiiral na Universal Health Care Act.

Facebook Comments