Cauayan City – Pormal ng nanumpa sa tungkulin ang bagong miyembro ng kapulisan sa Lambak ng Cagayan nito lamang ika-27 ng Disyembre sa Police Regional Office 2.
Ang oath taking ceremony ng 280 Valley Cops ay pinangunahan ni PRO2 Regional Director Police Brigadier General Antonio Marallag Jr., kung saan kanyang binigyang-diin ang pagpapahalaga sa kanilang sinumpaang tungkulin bilang alagad ng batas.
Hinikayat nito ang mga bagong pulis na maging masikap upang matupad ang magandang hangarin ng PNP sa pagpapatupad ng batas, epektibong paglaban sa kriminalidad, at pagiging magandang ehemplo sa komunidad.
Dagdag pa nito, nararapat na ang isang pulis ay maging tapat, madisiplina, at buong pusong iaalay ang kanyang sarili upang pagsilbihan ang bansang Pilipinas.
Samantala, dumalo naman sa programa ang pamilya ng mga nanumpang pulis, mga bagong talagang Police Lieutenant Colonel sa rehiyon, mga opisyal at tauhan ng PRO2.