Manila, Philippines – Hiniling ni Deputy Minority Leader at Makati City Representative Luis Campos na magpapasok na sa bansa ng bagong ride-hailing at logistics services company.
Ang suhestyon ay bunsod na rin ng merging ng Grab at Uber kung saan tuluyan na pumayag ang Uber na ipagbili sa Grab ang buong operasyon nito sa South East Asia.
Ayon kay Campos, ngayong iisa na lamang ang nagpapatakbo sa Grab at Uber, hindi lamang nabawasan kundi tuluyan nang inalis ang kompetisyon sa ride-hailing market sa bansa.
Paliwanag ng kongresista, mainam na may mapagpipilian ang publiko at mapapanatili ang pagbibigay ng magandang serbisyo.
Para aniya maiwasan ang negatibong epekto at mapanatili ang kompetisyon, iminungkahi nito ang pagpapasok sa popular na ride-hailing app na Go-Jek sa Jakarta, Indonesia.
Ang Go-Jek ay mayroong 400,000 motor vehicles at drivers at popular din ang ride-hailing application na ito sa maraming bansa.