
Welcome sa Philippine National Police (PNP) ang bagong ruling ng Korte Suprema na nagsasaad na ang mga bagay na nakuha mula sa isang warrantless search ay maaaring tanggapin sa korte kahit na ito ay hindi lantad o nasa plain view.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., i-e-empower nito ang mga PNP officer upang hindi masayang ang ebidensya dahil sa teknikalidad, basta ang inisyal na stop o search ay valid.
Sa ilalim ng ruling ng Korte Suprema, ang ebidensyang nakuha mula sa isang lehitimong warrantless search ay maaari nang gamitin sa mga legal na pagdinig kahit hindi agad ito nakita.
Nabatid na dati, ang mga bagay lamang na nasa plain view ang maaaring tanggapin, kung saan nagdudulot ito ng pangamba na hindi maisama ang mahahalagang ebidensya dahil sa mga teknikal na kadahilanan.
Dahil dito, ayon kay Nartatez, aayusin at ia-update ng PNP ang kanilang Standard Operating Procedures upang umayon sa nasabing bagong ruling.
Tiniyak naman ni Nartatez na patuloy na magsisilbi ang PNP nang may integridad at respeto sa batas.










