CAUAYAN CITY – Ipinagkaloob na sa Lungsod ng Tuguegarao ang 49 na bagong utility service vehicles para sa bawat barangay mula sa Provincial Government of Cagayan (PGC).
Ayon kay Mayor Maila Ting-que ng Tuguegarao City, malaki ang maitutulong ng mga bagong sasakyan sa mga barangay, lalo na sa mga operasyon ng serbisyo publiko at sa mga panahon ng sakuna at kalamidad. Magiging kapaki-pakinabang aniya ito upang mas mapadali ang paghahatid ng mga pangangailangan sa komunidad.
Ang mga sasakyan ay nagkakahalaga ng higit sa P600 milyong piso, na pinondohan sa ilalim ng programang “No Barangay Left Behind” (NBLB) ng PGC.
Gayunpaman, tatlong barangay sa lungsod ang nagdesisyong hindi tanggapin ang mga sasakyan at sa halip ay humiling na makakuha ng mga CCTV cameras para sa seguridad ng kanilang lugar.
Sa kabila nito, pinaalalahanan ni Governor Manuel Mamba ang mga residente ng Cagayan na ingatan at pahalagahan ang mga kagamitan at serbisyong ipinagkaloob sa kanila, upang magamit ng maayos at matagal.