
Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Aglipay Sewage Treatment Plant sa Mandaluyong na may kakayahang maglinis ng 60 milyong litro ng maruming tubig kada araw.
Layunin ng pasilidad na mapabuti ang kalidad ng tubig at maprotektahan ang kalusugan ng publiko sa Kalakhang Maynila.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng ₱3.93 bilyon at pinangangasiwaan ng Manila Water.
Sasaklawin nito ang 2,115 ektaryang lugar sa Mandaluyong, San Juan, at Quezon City, at inaasahang magsisilbi sa mahigit 650,000 residente.
Ayon sa Pangulo, malaking tulong ang pasilidad sa pagbawas ng maruming tubig na diretso sa mga ilog, sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig, at sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Dagdag pa niya, may lima pang wastewater treatment plant na kasalukuyang itinatayo bilang bahagi ng programa ng administrasyon sa tubig at sanitasyon.
Target ng pamahalaan na pagsapit ng 2047 ay makonekta ang 76 porsiyento ng mga kabahayan sa Metro Manila, Cavite, at Rizal sa sewerage system.










