Natagpuan sa gilid ng kalsada sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija ang isang abandonadong sanggol nitong Biyernes.
Agad sinagip ng Guimba Fire Station ang munting anghel at dinala sa pagamutan upang matignan.
Nakakabit pa ang placenta at umbilical cord sa bata.
Ayon sa impormasyong ibinahagi ni Ron Harry Pecson Viterbo, nasa pangangalaga ngayon ng Department of Social Welfare and Development ang walang kamuwang-muwang na sanggol.
“Para sa mga magulang ng batang ito. Walang kahit anong mabigat na dahilan na makakapagsabi na tama ang ginawa ninyo na itapon ang munting anghel na ito,” mensaheng isinulat ni Viterbo sa Facebook post.
Halos madurog ang puso nila sa sinapit ng kaawa-awang sanggol. Panawagan niya sa magulang ng supling, karumal-dumal ang kanilang ginawa. Aniya, inilagay nila ito sa matinding kapahamakan.
“Sayo, baby girl…sorry, iniwan ka ng magulang mo. We shall pray for you,” dagdag pa ni Viterbo.
Sa kasalukuyan, nasa mabuting kalagayan ng sanggol at iniimbestigahan ng otoridad ang insidente.