Bagong Silang na Sanggol, Ipinasok sa Sako at Itinago ng Sariling Ina

Patay na nang makarating sa Libmanan District Hospital ang isang bagong silang na sanggol matapos itong ipasok sa loob ng sako at itago sa bahay ng kanyang sariling ina.

Naganap ang insidente sa Barangay Handong, Libmanan, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.

Ayon sa report ng Libmanan Municipal Police Station, ganap na alas 5:10 ng hapon kamakalawa nang magsilang ng sanggol ang isang ina. Kinilala ang babae na si Marivic Abainza y Merin, edad 36 at residente ng Barangay Handong sa bayan ng Libmanan. Napag-alaman sa imbestigasyon na pinasok umano ni Marivic sa isang sako ang isinilang nitong sanggol saka itinago sa loob ng bahay.


Si Marivic ay pinaghihinalaang may mental depression kung kaya nagawa niya ang bagay na ito sa sariling anak. Mariin namang itinanggi ni Leon Abainza, ama ni Marivic, na may kapansanan sa pag-iisip ang kanyang anak.

Si Marivic ay kasalukuyang nasa kustodya ng pulisya upang mapatingnan sa doctor kung may problema nga ba ito, o, wala, sa pag-iisip, na siyang pinaniniwalaang dahilan kung bakit nagawa niya ito sa sariling laman at dugo.
Sinubukan pang dalhin sa Libmanan District Hospital ang sanggol, subalit deniklarang wala na itong buhay bago pa man mabigyan ng pangunahing lunas at angkop na pag-aaruga.

Facebook Comments