Bagong sistema ng pamamahagi ng educational assistance, plantsado na!

All systems go na ang pamamahagi ng educational assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bukas, August 27.

Ito na ang ikalawang Sabado na isasagawa ng ahensya ang pamamahagi ng one-time cash grant para sa mga estudyante.

Ayon kay DSWD Asec. Romel Lopez, bukod sa pagbibigay ng security ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine National Police ay magsisilbi ring additional manpower sa distribusyon ng ayuda ang Local Social Welfare Office ng bawat lungsod.


Maliban dito, lahat ng assessment at payout ay gagawin na ng DSWD.

“Sila po ang magsisilbing initial screener ano po. Sila po ang mag-i-screen nung aplikante natin, ito po yung pinakaunang step. D’yan po ibe-verify, una, kung kayo po ay baka scholar ng inyong LGU ay syempre hindi na po kayo mapapasama. But other than that, lahat po ng assessment, yung payout, lahat po yan ay gagawin ng DSWD,” saad ni Lopez.

Para sa mga estudyanteng nais makakuha ng educational assistance, mag-register online gamit ang google link na makikita sa mga official Facebook page ng regional offices ng DSWD.

Pagkatapos nito, makatatanggap ng text confirmation ang aplikante hinggil sa schedule ng pagkuha niya ng ayuda.

Kapag nagpunta sa payout area, magdala ng I.D., Certificate of Enrollment o anumang dokumentong nagpapatunay na kayo ay enrolled.

Samantala, kabilang sa mga hindi eligible sa educational assistance ang mga estudyanteng galing sa mga household na miyembro ng 4Ps, post graduate students, nagre-review at mga scholar na ng DepEd, CHED, LGU, non-government organization at iba pang public at private sponsors.

Facebook Comments