Cauayan City, Isabela- Inilunsad ng Cauayan City Police Station ang bagong sistema ng pagkuha ng Police Clearance o ang tinatawag na National Police Clearance System na layong mas mapadali at matukoy ang mga pangunahing record ng isang indibidwal sa mga dokumentong kukunin sa kapulisan.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Lt. Zosimo Sambrano, na siyang nanguna sa katatapos na seminar kaugnay sa bagong clearance system, sa pamamagitan nito ay hindi na magbabayad sa tanggapan ng city treasurer ang isang indibidwal dahil lahat ng transaksyon ay sa online ng gagawin o sa ilalim ng Iaccess account ng Landbank na pwedeng ipaactivate ng isang tao sa naturang bangko.
Ayon pa kay P/Lt. Sambrano, ito ay valid lamang sa loob ng 6 na buwan pagkaraan ng pag issue ng nasabing clearance.
Aniya, hindi na kakailanganin pa ng barangay clearance at cedula na dati ay pangunahing requirements sa pagkuha nito sa old system dahil sa ngayon ay kailangan lamang na ipakita ang Reference Number, Proof of Payment, Dalawang Valid I.D .
Ang mga kukuha rin ng Police Clearance ay sasailalim din sa pagkuha ng litrato, fingerprint at pirma mula sa isang indibidwal.
Sa ngayon ay fully-implemented na ang nasabing pagbabago sa pagkuha ng clearance kaya’t kung sakaling magtungo sa kanilang tanggapan ay asahang ganito na ang gagawing sistema.