Kinumpirma ni Albay Cong. Joey Salceda na mayroon nang bagong House Speaker sa pagbubukas ng 18th Congress at SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Lunes, July 22,2019.
Sa ginanap na forum sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Cong. Salceda na kasado ang gagawing SONA ni Pangulong Duterte kung saan mayroon nang bagong House Speaker sa katauhan ni Taguig Congressman Allan Peter Cayetano na papalit kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo habang ang Majority Floor Leader naman ay mapupunta aniya kay Congressman Martin Romualdez.
Ayon kay Congressman Salceda, inalok umano sa kanya ni Cayetano na hawakan ang Deputy Speaker for Finance pero pinag-iisipan muna niya ito.
Paliwanag ni Salceda na pinaghahandaan aniya nito ang Memo para kay Cayetano at sinabi naman sa kaniya ng bagong House Speaker na sayang naman aniya ang mga kakayahan ng mga Deputy Speaker na maaaring mapapakinabangan kung tig-tatlong buwan lamang silang uupo.
Naniniwala si Salceda na kayang hawakan ni Cayetano ang iba’t ibang pananaw ng mga Kongresista dahil matagal na siyang naging mambabatas at ipapasa rin nito ang lahat ng mga prayoridad ng Pangulong Duterte na pakikinabangan ng taongbayan.