Bagong SRP bulletin, posibleng sa mga susunod na linggo pa maipalalabas ayon sa DTI

Magtatagal pa ng ilang linggo bago makapagpalabas ng bagong Suggested Retail Price (SRP) bulletin ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa iba’t ibang produkto.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo na sa kabila ng hiling sa kanila na apat na pisong taas presyo sa tinapay o ang pinoy tasty at pinoy pandesal, hindi pa nila ito natatapos pag-aralan.

Paliwanag ni Castelo, hindi kasi sila pwedeng magtaas ng presyo ng isang produkto lang na nasa bulletin dahil inilalathala ito.


Kailangan aniya ay matapos muna nilang lahat na rebyuhin ang mga hiling na price adjustment na nasa listahan para minsanan ang paglalabas nila ng SRP bulletin.

Sinabi pa ni Castelo na may mga nakabinbin pa silang hiling na taas presyo noon pang Enero at kailangan nila itong tapusing pag-aralan para minsanan nalang ang paglalathala.

Maari aniyang sa mga susunod na linggo ay makapagrekomenda na sila kay DTI Secretary Alfredo Pascual para sa kaniyang pag-apruba saka pa lamang sila makapaglalathala ulit ng bagong SRP bulletin.

Facebook Comments